Wikang Filipino, ating pagyamanin PDF Print E-mail
Friday, 19 August 2011 14:02

By CAROLINA M. CHUA

Ating sariwain ang linya sa tula ni Gat Jose Rizal sa pinamagatang “Sa Aking Mga Kababata”, Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda, kaya ang nararapat pagyamanin kusa na tulad sa inang tunay na pinagpala”.

Tuwing sumasapit ang Buwan ng Agosto, tayong mga Pilipino ay nagdiriwang ng Buwan ng Wika, bagamat taun-taon ay paiba-iba ang tema na ating binibigay diin at pansin. Tulad na lang sa buwang ito ng Agosto 2011. Ang tema ay “Ang Wikang Pilipino ay Wikang Panlahat Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas”.

Ang wika ay isang mahalagang aspeto ng bawat mamamayan sa isang bansa at sa kanyang kulturang ginagalawan na siyang nilikha ng Puong Maykapal. Ang wika ay kasangkapang ginagamit ng lahat upang makapagbuklod-buklod at magka-isa tayong mga Pilipino sa anumang adhikain para sa isang bansa na ating inang bayan. Ito’y nagbibigay din sa kapaligiran at kultura ng isang bansa.

Sa ikapitong kabanata ng El Filibusterismo na akda ng ating Pambansang Bayaning si Gat Jose Rizal na bawat bayan ay may sariling wika, sarili niyang kaugalian at damdamin. Ang wika ay buhay sa sibilisasyon, kung ginagamit natin ang sariling atin, malinaw nating nailalarawan at naiparating ang bawat adhikain, damdamin at karanasan sa ating kapwa tao.

Dahil sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, bawat Paaralan sa kasuluk-sulukan ng Division ng Zamboanga City ay nagsipagdaos ng ibat-ibang timpalak na may kaugnayan sa nasabing okasyon o selebrasyon sa taong ito.

Gaya ng Distrito ng Putik sa pamumuno ni Maam Carmen M. Saculingan, District Supervisor,  ay naglunsad ng makasining na timapalak sa pagsasatao, pagbabalita at pagkukukwento, Ito’y nilahukan ng ibat’ibang paaralan sa loob ng Putik District at idinaos ang kumpetisyon sa Paaralang Elementarya ng Pasobolong noong ika-13 ng Agosto, 2011.

Si Erika Faith Paulyn Redona na mula sa Paaralang Sentral ng Putik ay siyang nagwagi ng unang gantimpala para sa masining na pagsasatao. Nakuha naman ng mga mag-aaral ng Paaralang Elementary ng Boalan ang Unang Gantimpala para sa pagbabalita at ang masining ng pagkukukwento ay napasakamay ng Paaralang Elementarya ng Zambowood.    Sa lahat ng mga nagwagi, ang aking mainit na pagbati. Akoy nagbibigay pugay sa inyong lahat!!!