KAKAMPI MO ANG BATAS: MMDA, kinastigo ang TRO vs. smoking ban PDF Print E-mail
Monday, 05 September 2011 15:16

BY Atty. BATAS MAURICIO

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ito ang sinasabi ng Panginoon—ang Tagapagligtas, ang Banal ng Israel: `Ako ang Panginoon ninyong Diyos, ang nagtuturo ng kung ano ang mabuti sa inyo, ang gumagabay kung saan kayo dapat tumungo…” (Isaias 48:17, Bibliya).
* * *  *

ROTARY GOLF TOURNAMENT, PAPALAPIT NA: Lumalapit na ang golf tournament ng Rotary Club of Intramuros sa Oktubre 8, 2011, at halos 34 na araw na lamang ang nalalabi bago ito idaos. Nakahanda na ang lahat, sa tulong ng Diyos, kasama na ang pambatong premyong  Kia Picanto brand new car para sa mapalad na “hole-in-one” golfer. Ang mga interesado ay maaaring tumawag sa akin sa 0917984 24 68 o 0922 833 43 96. Ang registration fee ay P2,000.00 lamang.
* * * *

MMDA TO FIGHT TRO VS. SMOKING BAN: Lalabanan hanggang sa Korte Suprema ni Chairman Francis Tolentino ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang utos ng Mandaluyong City Regional Trial Court na pumipigil sa MMDA upang maipatupad ang smoking ban o pagbabawal sa paninigarilyo sa kalunsuran.

Isiniwalat ni Tolentino ang planong ito noong Huwebes, Septyembre 1, 2011, sa regular meeting ng Rotary Club of Intramuros kung saan ipinagdiininan niya, bilang panauhing tagapagsalita, na ang pagpapatupad sa smoking ban ay trabaho ng ehekutibo na hindi pupuwedeng pigilan o sawatain ng mga hukuman.

Ipinaliwanag ng batam-batang pinuno ng MMDA sa mga Rotarians mula sa District 3810 ng Rotary International, sa pamumuno ni District Gov. Ernesto Chua at Past District Gov. Lyne Abanilla, na nakita niyang ang utos ng hukuman ay labag sa Saligang Batas ng 1987.
* * * *

DENGUE, BIRD FLU, MGA SUMPA NG DIYOS: Muli na namang kinatatakutan ang bird flu sa Pilipinas, sa panahong iniinda pa natin ang dengue—ang kinatatakutang sakit na nagdudulot din ng matinding init sa katawan na kung hindi maagapan ay maaaring magdulot ng grabeng pinsala o ng kamatayan.

Muli, inuulit ko: ang mga sakit na ito na nagdudulot ng nakakamatay na mataas na lagnat sa tinatamaang mga tao, ay may batayan sa Bibliya, sapagkat kinakatawan ng mga ito ang mga sumpang ipinangako ng Diyos sa mga hindi na nakikinig at hindi na sumusunod sa Kanyang mga utos.

Sa mga interesadong makita ang katotohanan ng binabanggit natin dito, marapat na basahin nila ang Deuteronomio 28:15 at Deuteronomio 28:22 ng Banal na Bibliya.
* * * *

ANG “DRAGON” SA BIBLIYA:. Alam ba ninyong may mga bahagi ng Bibliya na tumutukoy sa “dragon”, lalo na sa Aklat ng Pahayag? Naririto ang sinasabi ng Pahayag
12:1-4: “Lumabas ang isang tanda sa langit: isang babaeng nabibihisan ng araw, at ang mga paa’y nakatuntong sa buwan, at may korona ng labindalawang bituwin sa kanyang ulo. Buntis siya at sumisigaw sa sakit dahil sa nalalapit niyang pagsilang.

“Sumunod dito ay isa pang tanda sa langit: isang malaking dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at may pitongkorona sa bawat ulo. Ang buntot nito ay humawi sa ikatlong bahagi ng mga bituwin sa langit at ibinagsak niya ito sa daigdig. Nakatayo ang dragon sa harap ng babae na noon ay malapig ng magsilang, upang lapain nito ang sanggol…”