1st-Apluma!: Worth the trip PDF Print E-mail
Tuesday, 04 October 2011 14:37

BY Ismael Amigo

President Aquino has been getting a lot of negative criticisms lately stemming from his travels abroad that allegedly cost millions of pesos from the Filipino people every time he departs.

His recent jaunt to the US of A and Japan allegedly netted the country some P1.4B in potential investments that can provide Filipinos millions of jobs.
Thusly, in some measure President Noy’s trips abroad could not be construed as a waste of people’s money because these are realizable multi-million dollar investments by multinational corporations here in our country.

Following his trip to the US, President Aquino and his retinue proceeded to Japan where he was warmly met by the Filipino community.
Verbatim, here’s President Aquino’s speech before a huge Filipino crowd in Japan last Sept. 25, 2011.
“Magandang hapon po. Maupo po tayong lahat.

Secretary Albert del Rosario; Ambassador Manolo Lopez; Ambassador Toshinao Urabe; Secretaries Mar Roxas, Gregory Domingo, Sonny Coloma; Ms. Joyce Villanueva-Ogawa, Chairperson of the Philippine Assistance Group in Tokyo; other members of the Philippine delegation; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang hapon po sa inyong lahat!

Nakakainggit ho kayo ang taas ng energy level n’yo. [Laughter]

Kakagaling lang po natin sa Estados Unidos kung saan naging mainit ang pagtanggap sa atin ng ating mga kababayan doon, dahil na rin po sa magandang bunga ng mga repormang isinusulong natin sa atin pong Inang Bayan. Para na rin po mas makatipid, ginagawa na nating parang biyaheng Quiapo ang lakad natin [laughter]—dirediretso po: Manila to San Francisco, San Francisco to New York, New York to Washington, Washington pabalik ng Maynila, all in five days inclusive of travel time [applause]. Pinaliwanag ko na lang po sa mga kasama natin—‘di ko sinabi sa kanilang nagtitipid tayo—sinabi ko, “Alam ninyo, mamadaliin na natin lahat ‘to para hindi na natin maranasan iyong jetlag. Bago tayo magpanibagong oras ay nakabalik na tayo sa Pilipinas.” [laughter] So kami po’y pinabalik, binigyan kami ng isa’t kalahating araw magpahinga, at maswerte po tayo sa araw na ito dahil kahalubilo ko kayo bilang unang nating lakad dito po sa bansa ng Japan. [Applause]

Bago po tayo tumulak ngayon dito sa Japan para makiramay sa mga nangyaring sakuna, at makipagdiyalogo na rin po sa mga pinuno ng Hapones, napakasuwerte nga po talaga at kayo ang una kong hinaharap sa pagdayo ko dito. Pakiramdam tuloy natin ay parang bateryang cellphone bagong karga sa kuryente, at handa na namang umarangkada para maihatid sa kaunlaran ang atin pong inang bansa. Lahat naman po talaga nito ay para sa inyong lahat.

At dahil sa sinisimulan natin ang pagdalaw dito sa Japan sa ganitong pagsasalu-salo—sa piling ng ating kapwa Pilipino dito sa Tokyo—tiyak na naman pong, katulad ng mabunga din nating biyahe sa Estados Unidos, magiging matagumpay din ang pagbisitang ito.

Bakit nga ba tayo nandito sa Japan? Pangunahing layunin po natin dito ay ang higit na pagpapatibay sa kooperasyon at pagkakaibigan ng Pilipinas at ng Japan. Kaya naman makikipagpulong tayo sa kagalang-galang na Punong Ministro Yoshihiko Noda upang talakayin ang mga paksang lalong magpapaigting sa ating samahan, at siguradong magtutulak sa pag-unlad ng atin pong mga bansa. Kaugnay nito, inimbitahan din tayo ng Kanyang Kamahalan, ang Emperador ng Japan, para sa isang diyalogo. Nakakataba nga po talaga ng puso: kung dati, iniisnab-isnab lang ang bansa natin kapag may mga bagong pinuno ang mga karatig-bansa, ngayon po, palagi na tayong isa sa mga unang inaanyayahan. [Applause] Bakit po? Dahil batid ng buong mundo ang resulta ng tuwid na daan. Ibang-iba na nga po talaga ang lagay ng Pilipinas: bumabangon na po tayo mula sa imahen ng kawalang-direksyon, at naibabalik na natin ang ating pambansang dangal.

Nakapila din po sa schedule natin ang ilang pagpupulong kasama ang mga negosyanteng Hapon. Hindi lang po mga kawani ng gobyerno, pero miski mga pribadong sektor ng mga bansang binisita natin, nagpakita ng pagkasabik sa pagbabagong nangyayari sa atin pong bansa. Japan po ang nangunguna nating katuwang sa kalakal, at sasamantalahin po natin ang magandang pagkakataong ito upang buksan ang pinto para sa mas pinatibay na kalakal at komersyo.

Malinaw po: tumatawid po ng dagat ang tiwalang ipinamalas ng ating mga kababayan sa bago pong administrasyon. Sa puno’t dulo nito, nananatili pa rin pong iisa ang ating batayang diwa sa mga pagbisitang tulad nito: ang makagawa ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Minabuti rin po nating tawirin ang lawak ng karagatan upang personal na maipaabot ang ating pakikiramay at pagdadalamhati sa trahedyang dulot ng tsunami at lindol dito sa Japan. Sa katunayan, sa pagbisita natin sa Ishinomaki City bukas, nakahanda po tayong mag-abot ng tulong upang makaagapay sa mga naapektuhan ng trahedya.

Napakabuti po ng bansang Japan sa atin sa tuwing susubukin tayo ng mga kalamidad. Sa mga panahong sila naman ang dinadagsa ng mga pagsubok, nararapat lamang po na suklian ng Pilipinas ang mabuting pakikitungo ng mga Hapon sa atin.

Alam natin ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang nag-iibambansa. Paano ka naman mananatili sa Pilipinas kung ang mga utak-wangwang lamang ang patuloy na yumayaman habang ang mga gumagawa ng tama ang napapag-iwanan. [Applause] Mulat po tayo sa sistemang dinatnan natin. Isang sistemang wang-wang na marahil ay nagtulak sa marami sa inyong makipagsapalaran na lamang sa ibayong dagat, sa halip na patuloy na maisantabi ng pamahalaang pang-aabuso lamang ang inaatupag.
Kung dati po ay pilit pinagtatakpan ang mga katiwalian, ngayon po, nagsisilabasan na ang mga isyu ukol sa sistemang-wangwang. Mula sa dagat ng kape sa PAGCOR, kung saan isang bilyong piso mula sa kaban ng bayan ang kanilang pinasingaw, hanggang sa mga helicopter na pinagsawaan muna bago i-deliver sa PNP, nauungkat na po natin ang lahat ng ito. Titiyakin nating hindi ito matatapos lamang sa pag-uungkat; titiyakin nating matibay ang ebidensya, at hindi na makakalusot pa ang mga salarin. Uumpisahan po natin iyan bago matapos itong taon na ito. [Applause] At sa kaunting kooperasyon ng Hudikatura, baka naman makulong na natin ang mga iyan sa susunod na taon. [Applause]

Pananagutin natin ang mga nagkasala para hindi na sila pamarisan pa ng iba. [Cheers and applause]
Babaliktarin natin ang kalagayang dinatnan natin. Simple lang ang hangad ko: na sa June 30, 2016, higit kumulang, 11 a.m., taas-noo akong bababa sa puwesto, at hindi ako mahihiyang humarap sa milyun-milyong Pilipinong nanalig sa akin dahil sa mismong mga mukha nila ay makikita na ang talaga namang laganap na pagbabago [applause]—ang ginhawa, ang dangal na hindi nila nararamdaman bago po tayo nakapagtulong-tulong baguhin ang ating lipunan. Gusto nating marating ang isang Pilipinas na malinis sa katiwalian, isang Pilipinas na malaya sa kahirapan, isang Pilipinas na mararating ang kanyang pinakapotensyal.

Hindi naman po tayo puwedeng bumisita na lang sa Japan na walang pasalubong na good news para sa ating mga kababayan. Nitong Enero lang po, pormal na inilunsad ng Land Bank of the Philippines at Japan Post Bank para sa isang remittance tie-up. Parang hindi ninyo yata lam iyon ah. Mukhang kulang ang advertising. [Laughter] Nabalitaan po kasi namin na mataas ang singil sa bawa’t transaksyon sa pagpapadala ng pera sa inyong mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Ito’y iche-check ko sa inyo; ang balita po kasi sa akin, ngayon po sa pagtutulungan po ng Land Bank, Japan Post Bank, at ng mga pribadong mamamayan dito po sa Japan ay napababa na raw po iyong charges para sa remittances. Tama po ba iyon? [Reactions from the crowd] Parang ilan lang ho ang nagsabing tama iyon ah. [Laughter]

Pakinggan po ninyo ito: ibig pong sabihin, dahil sa may mahigit na 200 branches at 7,500 post offices sa Japan, mas madali na po kayong makapagpadala ng pang-tuition sa inyong mga anak o pagpagawa ng inyong dream house. [Reactions from the crowd]

Ano ho iyon? Tama ho ba o mali? Tama. Kung mali ho iyon baka bago na ang presidente ng Land Bank pag-uwi ko. [Laughter] Pero mahusay ho iyong nandoon.
At siyempre, mas malaki pa ang maipapadala ninyo dahil dapat bumaba na ang inyong charges.

Ito lang po ang munting pakiusap ko sa inyo pong lahat: palagi sana nating tandaan na anuman ang trabaho natin dito sa Japan, dala-dala palagi natin ang dangal at ngalan ng atin pong bansa at bandila. Bawat isa sa inyo ay Ambassadors ng Pilipinas, kaya naman nananalig akong magiging responsable kayong kinatawan ng ating bansa dito po sa Japan—[From the crowd: “Tama!”] Tama na naman! Masyado ho akong natutuwa dito, baka hindi na ho tayo matapos [laughter]—iginagalang at sumusunod sa kanilang mga batas, may respeto sa bawat makakasalamuhang tao, at taas-noong ipinapabatid sa mundo ang galing at tunay na puso ng lahing Pilipino. [From the crowd: “Tama!” followed by laughter and applause]

Ang pagkukumpuni natin ng sistema, ang pagsasaayos natin ng bansa ay nakatuon sa kapakanan ninyo at ng inyong mga mahal sa buhay. Simple lang po ang hangad natin: ang gumawa ng mas marami pang trabaho sa ating bansa, para hindi na ninyo kailanganing lumisan pa upang kumita ng dagdag na pera sa ibayong dagat.
Sa abot ng ating makakaya—ano po iyon? [Question from the crowd] ‘Pag aalis po kayo ng bansa, ang hangad po natin, ginusto ninyo: choice. Hindi ‘yung napilitan kayo dahil wala kayong nakitang trabaho sa atin pong bansa, ‘di ba? [Applause] At talagang marami na hong trabahong nalikha.

Sa abot ng ating makakaya, gagawin natin ito dahil ito ang panata ko po sa inyong lahat. Hangga’t kabalikat ko kayo— ang aking mga Boss na nakikiisa mula sa iba’t ibang panig ng mundo—walang duda na magtatagumpay ang lahing Pilipino. [Applause]

Taglay po ni Juan at Juana dela Cruz ang sipag, talino, at talento; nasa kamay natin ang kakayahang magdulot ng makabuluhang pagbabago. Manatili lang po tayong nagbabayanihan—nasaan mang sulok tayo ng mundo—ay abot-kamay na po natin ang ating mga mithiin bilang isang bayan.

Bago po ako magtapos: Alam po ninyo, isa sa mga inspirasyon ko dito’y isang kumpanyang ngalan ay Japan Gas Corporation. Bakit po? Mayroon pong hindi bababa sa 70 hanggang 80 inhinyero natin ang nagde-design ng mga iba’t ibang mga factory tulad ng mga refinery sa Middle East. Isipin po ninyo, ano? Nandito raw po iyong isa; itong kababayan natin po ay galing doon. [Applause]

Nakakapagtayo, nakakadisenyo sila ng refinery, na hindi naman ho ganoong kalaki nasa Pilipinas: wala po sa eksperiyensya nila. Pero iyong galing, iyong talino, iyong talento ay talaga naman pong hinahangaan nang may-kumpyansya iyong Japan Gas Corporation na sila ang magdisenyo nitong pagkadambuhalang mga factory na ito. At hindi lang po natapos doon. Seventy to 80 dito sa Tokyo, 800 sa The Fort sa Pilipinas ang kanilang mga empleyado. Lahat po n’on enhinyero. Sila na raw po’y equivalent ng SGB sa engineering. At ang Pilipino raw ho, kung hindi una, pangalawa sa pinakamaraming foreign contingent ng kumpanyang iyan.

Bago ho ako magtapos talaga, may ibabalita lang ho, dahil iba na ho ang problema natin sa Pilipinas ngayon. Noong ako po’y nag-umpisang maging congressman, at kailangan po ng iba’t ibang bagay ng ating distrito, lumalapit tayo sa kung ano-anong ahensya ng gobyerno, ang parating sinasabi sa atin, “walang pera ang ating bansa.” So doon nga raw nauso iyong wala raw hong justice: “just tiis.” Tiis na lang ho tayo nang tiis sa situwasyon, kaya “just tiis.” [Laughter] Pero, sabi nga ho sa inyo, bago na ang problema. Nitong Agosto po, nagkaroon tayo ng surplus na nine billion (pesos). Hindi na ho deficit iyong August account. Sumobra sa ginastos natin. Ano ho iyong problema? Dinagdagan na ho natin iyong gastos noong Agosto, nagkaroon pa tayo ng sobra sa revenue collection. [Applause] Pero hindi ho maganda rin iyong mayroon tayong surplus dahil puwede naman hong ikinumpuni na iyong eskwelahan; puwede namang idinagdag iyong kalsada; puwedeng nadagdagan iyong health services. In effect, ‘pag pumasok po itong pondo sa ekonomiya, lalong lalaki ang ating ekonomiya po, tataas ulit lalo iyong revenue, dadami iyong pagkakataon ng bawat Pilipino. Pero sabi ko nga, maganda na yata iyong problema ay iyong sobra ang nasa kaban ng bayan ngayon na kailangang gastusin kaysa iyong napakarami ang kailangang gastusin nang walang panggastos. Hindi ho ba? [Applause]

Mayroon na hong sumisenyas sa akin: “Alam naming natutuwa ka, pero halika na. Mayroon ka pang … “ Ilan nga ba ang lakad natin ngayon dito, Jun? Sa apat na araw po—itong araw na ito kakarating lang namin, kaya mabait ho sila sa akin, binubuwelo muna. Dalawa po ang lakad natin. Bukas ho, dahil pangalawang araw na dito, anim. Susunod na araw, dahil nakabuwelo na raw: dalawampu. [Laughter] Pagkatapos noon, bago ho kami sumakay ng eroplano, may walo pa ho silang naihanda. Kaya kapag mayroon pong nagreklamo sa isinisuweldo ninyo sa akin, maawa na kayo ha. [Laughter and applause]

Mayroon ho tayong mga kalaban sa Pilipinas na nagsasabi lahat na lang raw ng naa-apoint ko kaibigan, kaklase—KKK ang tawag nila. Alam ho ninyo si Ambassador Manolo Lopez, kaibigan po ng pamilya namin iyan. Kayo na ho siguro ang testigo: dumating dito, hindi pa ho napre-present ang kanyang credentials, sinalubong na ng tsunami, may earthquake pa [laughter]—hindi pa ho officially recognized kung tutuusin—ay nagtrabaho na, kumayod, tumulong sa ating mga kababayan. Palagay ko kayo na ang testigo: walang makakapagsabing pinabayaan kayo ng ating embahada dito. [Applause] Hindi ko binabaliwala ang aking commitment sa inyo. Pipilitin natin ang pinakamahusay na paglilinkod, at ibabalik natin ang tunay na paglilinkod po ng inyong pamahalaan. Dahil kaya naman po naitatag ang itong pamahalaan ay dahil kayo po ay nagbigay pahintulot. Natural, kayo ang boss, kaya ang interes ninyo ang dapat pangunahin sa amin.

Ulitin ko lang po, kung may hangad nga ho tayo rito: pagbaba nga—pasensya na po kayo kung talagang tinitignan ko na po iyong petsa kung kailan ako bababa [Laughter]: June 30, 2016, bago ho 12:00, dahil kailangan manumpa na po iyong papalit sa akin nang 12:00 noon (kung gusto ninyo hong malaman ang eksakto ho: four years, nine months)—paglingon ho natin, sabay-sabay nating masabing talaga namang, ‘di hamak, ang laki ng pinagbago ng Pilipinas.
Magandang hapon. Maraming salamat sa inyong lahat.”   Mobile 0915-5517486
Email esns03@yahoo.com