3 linggo pa pero Robredo una na sa survey PDF Print E-mail
Monday, 18 April 2016 13:33

Sa unang pagkakataon, nakuha ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang unang puwesto sa isang poll survey matapos makakuha ng 30 percent sa Bilang Pilipino April 13 at 14 SWS Mobile Survey Report.

Una siya ng tatlong puntos kay Ferdinand Marcos Jr., habang ikatlo si Chiz Escudero na may 25 percent. Sina Sens. Alan Peter Cayetano, Antonio Trillanes at Gringo Honasan ay may 13, 3 at 1 percent, ayon sa pagkakasunod.

“Masaya tayo dahil sa unang pagkakataon ay nag-No. 1 tayo. Pero hindi tayo dapat magkumpiyansa. Dapat ituluy-tuloy pa rin natin ang pagsisipag at pag-iikot ngayong wala nang isang buwan at halalan na,” wika ni Robredo.

Umakyat sa unang posisyon si Robredo matapos ang unang vice presidential debate, kung saan tinalo niya ang lima pang VP candidates, ayon sa maraming analyst.

Ang Bilang Pilipino SWS Mobile Survey ay gumagamit ng sample na 1,200 kumpirmadong botante, tig-300 mula sa Metro Manila at Balance Luzon, Visayas at Mindanao.

Pinasalamatan naman ni Robredo ang mga tagasuporta, pamilya at mga kaibigan sa walang pagod nilang pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kilalang abogado ng mahihirap, nagbigay si Robredo ng libreng serbisyong legal sa mahihirap na sector ng lipunan, kabilang ang magsasaka, mangingisda at inaabusong kababaihan sa mahabang panahon bago naging kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.