Leni Robredo: Kayo na ang Pamilya namin PDF Print E-mail
Tuesday, 19 April 2016 13:42

Tulad ng isang ina na inaalala ang kapakanan ng mga anak, nanawagan si Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo sa mga botante na isipin ang kinabukasan  ng kanilang pamilya sa pagpili ng susunod na mga lider  ng bansa sa ika-9 ng Mayo.

Sa kanyang panghuling pananalita sa vice presidential debate noong Linggo, sinabi ni Robredo na itinuturing na niyang pamilya ang buong bansa kaya hiniling niya sa lahat na magtulungan upang ito’y maiangat.

Aniya, mahalaga ang darating na halalan dahil nakasalalay ang kinabukasan ng ating mga anak sa mga mananalong lider ng bansa.

Sinabi ni Robredo na noong namatay ang kanyang asawa na si Interior Sec. Jesse Robredo sa isang plane crash apat na taon na ang nakalipas, pakiramdam niya ay malaking bahagi ng kanyang buhay pamilya ang nawala.

Ngunit nagbago ang kanyang pananaw nang pumasok siya sa serbisyo publiko bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur noong 2013.

Ayon kay Leni, dahil naramdaman niya ang pagmamahal na walang kapalit mula sa mga tagasuporta, pakiramdam niya ay nabuong muli ang kanyang pamilya.

Inihalintulad ni Robredo ang kanyang sarili bilang isang ina na handang isakripisyo ang lahat para sa kapakanan ng mga anak at mga mahal sa buhay, sa gitna ng mga hamon.

Kilalang abogado ng mahihirap, nagbigay si Robredo ng libreng serbisyong legal sa mahihirap na sector ng lipunan, kabilang ang magsasaka, mangingisda at inaabusong kababaihan sa mahabang panahon bago naging mambabatas.

Dahil sa magandang performance niya sa mga nakaraang debate, umakyat na si Robredo sa unang puwesto sa Bilang Pilipino SWS Mobile Survey Report noong April 13 at 14.