Analysts: Leni Robredo namayani sa VP debate PDF Print E-mail
Wednesday, 20 April 2016 13:42

Naniniwala ang isang political analyst na dinomina ni Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo ang katatapos na VP debate dahil sa pagiging matapat niya sa pagkukulang ng pamahalaang Aquino, kahit pambato pa siya ng administrasyon.

Ayon kay Prospero De Vera, gumawa ng marka si Robredo nang aminin niyang may pagkukulang ang pamahalaan, lalo na sa pagpapabuti ng trapiko at mass transit system sa Metro Manila.

Para kay De Vera, sa pahayag na ito pinatunayan ni Robredo na siya’y may sariling paninindigan at hindi lang kandidato na binasbasan ng Malakanyang.

Tiwala si De Vera na makukuha ni Robredo ang suporta ng tinatawag na undecided voters dahil hindi siya nakakabit sa problema ng urban traffic, congestion at iba pang isyu.

Para naman kay sociologist/political analyst Nicole Curato, may bentahe si Robredo sa ibang kandidato dahil sa kanyang karanasan sa grassroots sector.

Idinagdag pa ni Curato na may track record bilang abogado ng mahihirap si Robredo upang suportahan ang kanyang mga nagawa.

Sinabi pa ni Curato na pinatunayan ni Robredo na siya’y may sariling record at nagawa nang hindi niya banggitin ang pangalan ng yumaong asawa na si Interior Sec. Jesse Robredo sa debate.

Para naman kay Prof. Julio Teehankee, makikitang may napatunayan na si Robredo bago pa man naging mambabatas.

Dahil sa kanyang magandang performance sa unang debate, umakyat si Robredo sa unang puwesto sa Bilang Pilipino SWS Mobile Survey Report noong April 13 at 14.

Kilalang abogado ng mahihirap, nagbigay si Robredo ng libreng serbisyong legal sa mahihirap na sector ng lipunan, kabilang ang magsasaka, mangingisda at inaabusong kababaihan sa mahabang panahon bago naging kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.