Ilocanos nilaglag si Marcos Jr., sinuportahan si Robredo para VP PDF Print E-mail
Thursday, 21 April 2016 11:50

Nagsanib puwersa ang mga Ilocano mula sa iba’t ibang sektor upang batikusin ang nangyari noong panahon ng diktaduryang Marcos at magkaisang suportahan ang kandidatura ni Liberal Party (LP) vice presidential bet Leni Robredo.

Kilala bilang “Ilocanos for Leni”, nanawagan ang grupo sa mga kapwa Ilocano na isantabi muna ang pinagmulang rehiyon at iboto si Robredo, na inilarawan nila bilang sinsero sa pagnanais na makapaglingkod sa taumbayan.

Ayon pa sa grupo, subok na ang kasipagan at katapatan ni Robredo, na wala ring bahid ng anumang isyu at katiwalian.

Sa tatlong taon niya bilang kinatawan ng Camarines Sur, sinabi ng grupo na nakapag-akda si Robredo ng maraming panukala na para sa mahihirap at nagtataguyod ng malinis na pamahalaan.

Iginiit ng grupo na mahalaga ang darating na eleksiyon para sa bansa kaya hindi dapat hayaan ng mga botante na malinlang sa pagtatangkang ilarawan ang Martial Law bilang Golden Age ng bansa.

Ayon pa sa grupo, malaki na ang iniangat ng bansa, lalo na sa ekonomiya, ngunit ito’y masasayang lang kapag ibinalik ang isang Marcos sa kapangyarihan.

Dahil sa kanyang magandang performance sa unang debate, umakyat si Robredo sa unang puwesto sa Bilang Pilipino SWS Mobile Survey Report noong April 13 at 14.

Kilalang abogado ng mahihirap, nagbigay si Robredo ng libreng serbisyong legal sa mahihirap na sector ng lipunan, kabilang ang magsasaka, mangingisda at inaabusong kababaihan sa mahabang panahon bago naging kinatawan ng ikatlong distrito ng Camarines Sur.