Nat’l Youth Group Inindorso Leni Robredo para VP PDF Print E-mail
Friday, 22 April 2016 12:00

Inindorso ng isang socio-civic political organization na nagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga estudyante si Liberal Party (LP) vice presidential candidate Leni Robredo, sa pagsasabing isinasabuhay niya ang walang kapalit na pagsisilbi sa taumbayan.

Sa isang pahayag, tinawag pa ng Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan (SAMASA) si Robredo bilang “people’s champion” na tatalo kay Ferdinand Marcos Jr. sa Mayo 9.

“Leni Robredo represents the change we seek for our people and country, a counterpoint to ‘trapo’ politics, of which the worst example is the Marcos record of patronage and plunder,” nakasaad sa pahayag ng grupo.

Ayon sa SAMASA, subok na ang record ni Robredo sa pagsisilbi sa publiko, bilang public attorney para sa mahihirap na kliyente at abogado ng mahihirap bilang miyembro ng SALIGAN na nagbibigay ng libreng tulong legal sa iba’t ibang sektor.

“As congressperson, she has authored or co-authored 14 laws in three short years, including the Sanggunian Kabataan Reform Law that includes an anti-dynasty provision,” wika pa ng grupo.

Pinuri rin ng grupo ang patuloy na pagbatikos ni Leni sa nangyaring pagnanakaw at pag-abuso noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Kasabay nito, nanawagan ang SAMASA sa mga kasapi nito sa buong bansa na aktibong ikampanya at iboto si Robredo upang mapigil ang tangka ni Marcos Jr. na maging bise presidente.

Tinawag din ng SAMASA si Marcos, Jr., na pinakamalaking banta sa kalayaan at demokrasya dahil sa patuloy nitong pagtanggi na kilalanin at humingi ng tawad sa mga pag-abusong nangyari noong diktaduryang Marcos.

“He continues to lie about the ill-gotten wealth his family plundered, refuses to return it, and actively blocks recovery efforts,” giit ng grupo.

Binanggit din ng grupo ang pagkakasangot ni Marcos sa pork barrel scam matapos siyang inguso nina Janet Napoles at Benhur Luy na tumanggap ng P205 million.

Ang SAMASA ay binubuo ng limang mass organizations at dalawang fraternities — ANAKBAYAN, League of Filipino Students (LFS), OIKOS (Ecological Movement), Samahan ng mga Mag-aaral at Kabataang Kababaihan (SAMAKA-KA), SAMASA Mass Organization, Hamili Brotherhood at Hamilia Sisterhood.